Double digit ibinaba ng trust at performance rating BBM, ROMUALDEZ IBINAGSAK NG CHA-CHA

HINILA pababa ng Charter change (Cha-cha) sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at pinsan nitong si House Speaker Martin Romualdez.

Ito ang paniniwala ni House deputy minority leader France Castro matapos makaranas ng double-digit na pagbaba ng rating si Marcos sa kanyang trust at performance rating sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

“It just goes to show that an overwhelming majority of Filipinos are against Cha-cha in whatever form. So, it would be best for the Marcos Jr. administration to stop wasting time and resources on it and drop it now so that it can concentrate more on what the Filipino people truly need,” ani Castro.

Base sa nasabing survey na inilabas noong Martes, bumagsak ng 13 point ang performance rating ni Marcos matapos makakuha lamang ito ng 55% mula sa naitalang 68% noong December 2023.

Nabawasan naman ng 16 points ang approval rating ni Marcos dahil umaabot na lamang ito 57 percent noong Marso 2024 mula sa 73 percent na nairekord noong December 2023 kung kailan sinimulan ang pagkilos para amyendahan ang 1987 Constitution.

“The decline in ratings was observed across different regions and socio-economic classes, with the most significant drops in Mindanao and Class E,” ani Castro.

Maging si Romualdez na nangunguna sa Cha-cha ay bumagsak sa 25% ang approval rating mula sa dating 36% habang umaabot na lamang sa 18% ang kanyang trust rating mula sa dating 25% noong December 2023.

Taliwas ito sa kaso ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tumaas ang approval at trust rating, na ayon kay Castro ay dahil hindi minamadali ng Senado ang pag-apruba sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6.

Dahil dito, hinamon ng mambabatas ang Marcos administration na abandonahin na ang Cha-cha at harapin ang mga problemang kinakaharap ngayon ng mamamayang Pilipino tulad ng mataas na presyo ng bigas at mga bilihin kasama na ang serbisyo publiko, kawalan ng sapat na trabaho at marami pang iba.

Bagama’t wala namang papel si Vice President Sara Duterte sa Cha-cha, pinaniniwalaan ng mambabatas na bumagsak ang trust at approval rating nito dahil sa pananahimik sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Si Duterte ay nabawasan ng 7 points sa kanyang trust rating matapos maging 71% na lamang ito noong Marso mula sa 78% noong December 2024 habang bumagsak naman sa 67% ang kanyang approval rating mula sa dating 74%.

(BERNARD TAGUINOD)

49

Related posts

Leave a Comment