ELECTION DUTY PAY NG MGA GURO PINATITIYAK NI BBM

ILANG linggo bago ang halalan, nanawagan si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer at presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tiyaking makukuha ng mga gurong magtatrabaho sa araw ng eleksyon ang kanilang overtime pay at iba pang nararapat na benepisyo sa tamang oras.

Binigyan-diin ni Marcos na ilang araw bago ang halalan ay umaapela pa rin ang mga guro para sa kanilang overtime pay at pag-alis ng tax sa kanilang mga honorarium.

“Alam naman natin ang hirap na dinaranas ng ating mga guro na miyembro ng mga BEIs (Board of Election Inspectors), ‘yung iba nahaharap pa sa panganib. Kaya dapat namang magawan na ng paraan ng mga concerned agencies itong apela ng ating mga guro na sana’y mabigyan sila ng overtime pay para sa election duty nila at mai-waive ang tax sa honorarium nila sa araw na ‘yun,” sabi niya.

“Yung election duty nila katumbas ng ilang araw na trabaho, at tuwing eleksyon na lang laging matagal na nga bago maibigay ang honorarium nila, hindi pa sila well-compensated,” dagdag pa niya.

Nanawagan si Marcos matapos bumuo ang Department of Education (DepEd) ng Elections Task Force (ETF) Operation and Monitoring Center na magbibigay ng technical at legal assistance sa mga guro na magiging BEI sa May 9.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na gusto nilang tulungan ang Comelec upang magkaroon ng mapayapa at tapat na halalan.

Ang honorarium ng mga guro na magiging parte ng ETF ay ibibigay ayon sa rules and regulations ng Commission on Audit (COA).

Kamakailan ay nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), pinakamalaking samahan ng mga guro sa buong bansa, sa Comelec kung paano nito aayusin ang pagbibigay ng benepisyo sa mga BEI na magdu-duty sa May 9 elections.

Ito ay matapos ianunsiyo ng isang Comelec official na ayon sa joint memorandum circular sa pagitan ng Civil Service Commission at Department of Budget and Management ay hindi maaring magbigay ng overtime pay sa hindi empleyado ng kanilang ahensiya.

120

Related posts

Leave a Comment