(BERNARD TAGUINOD)
KUNG mayroon mang nakinabang sa Public Utility Vehicle Modernization Program (MUVMP), ito ay ang mga dayuhang korporasyon na nag-supply ng modernong sasakyan kapalit ng mga traditional na pampasaherong jeep.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on transportation hinggil sa PUVMP na pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng tatlong buwan upang magkaroon ng karagdagang panahon ang mga tsuper at operator na mag-consolidate.
Ayon kay Kabataan party-list Rep.Raoul Manuel, 93% sa mga biniling modern PUV models ay hindi gawa ng Pilipino kundi inangkat sa iba’t ibang bansa kasama na ang China.
“Bagama’t may almost 5,000 PUV units classified as locally manufactured or assembled, marami sa kanilang mother companies ay mula ibang bansa. Kung tutuusin, 93% ng lahat ng modern PUV units ang mula sa mga foreign companies,” ani Manuel.
Lumalabas na inisnab ang local manufacturers tulad ng Sarao at Francisco Motors gayung mas mas mura ang mga modernong jeep na gawa ng mga ito kumpara sa mga imported na umaabot sa P2.5 million.
Hindi naman kontento si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa tatlong buwang ekstensyon na ibinigay ni Marcos lalo na’t maraming isyung hindi pa nareresolba sa implementasyon ng nasabing programa kasama na ang katiwalian at kawalan ng transparency.
Gamitin sa Pagbuo ng Hakbang
ITINUTURING naman ni Senador Imee Marcos na magandang hakbang patungo sa tamang direksyon ang tatlong buwang pagpapalawig sa deadline ng consolidation para sa PUV Modernization Program.
Sinabi ni Marcos na mabuting gamitin ang karagdagang oras na ito hindi lamang para payagan ang mga jeepney driver na sumailalim sa consolidation, kundi para makahanap ng mas magandang solusyon upang payagan ang mga driver at operatory na magpatuloy sa kanilang kabuhayan.
Sa halip anya na ialok ang jeepney phase-out, kailangan ng malawakang istratehiya na nagbibigay-prayoridad sa mga pangangailangan ng lahat ng Pilipino.
Kabilang na rito ang pagsasailalim sa retrofitting na may mas malinis na mga makina, pagpapalaganap ng paggamit ng mas malinis na mga fuel, at pagpapabuti ng mga pamantayan sa kaligtasan sa pagmamaneho.
Isama rin anya ang pagpapalawak at pagpapaganda ng mga kalsada, tulay, at mga sistema ng mass transit para mapaluwag ang masikip na daloy ng trapiko at lumikha ng isang maayos na konektadong network.
Gayundin ang pagbuo ng mga matatag na alternatibo at paghikayat o pagpapalakas sa paggamit ng mga electric at hybrid na sasakyan, pagpapalaganap ng carpooling at pagbibisikleta at paggamit ng renewable.
Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ekstensyon para sa franchise consolidation sa ilalim ng PUVMP.
Sinabi ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na umabot na sa 190,000 units ng PUV kabilang na ang UV Express, PUJs, mini-buses at buses, ang kumuha ng franchise consolidation.
“As of mid-January, UV express was able to achieve 82 percent consolidation; jeepneys, 75 percent; buses, 86 percent; and mini-buses, 45 percent,” ayon sa LTFRB.
Kung matatandaan, sinimulan na ng gobyerno na isagawa ang modernization program noong 2017 at nakapagtatag ng 1,728 kooperatiba at korporasyon na may 262,344 miyembro.
Matagal na nitong ipinatutupad ang PUVMP para tugunan kapwa ang lumalalang transport-related problems at ang hinaharap na transportation demand ng bansa.
(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA at CHRISTIAN DALE)
199