Hinihinalang arson 11 BAHAY NATUPOK SA SAN PABLO CITY

SAN PABLO CITY – Umabot sa 11 kabahayan ang naabo sa sunog na sumiklab sa Barangay Concepcion sa lungsod na ito, noong Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa report ng San Pablo City Police, nagsimula ang apoy sa isang bahay at mabilis na kumalat sa katabing kabahayan sa likod mismo ng barangay hall at covered court ng Barangay Concepcion dakong alas-4:00 ng madaling araw.

Ayon sa mga residente, nagising na lamang sila na malaki na ang apoy at kalat na sa magkakatabing kabahayan.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng San Pablo City Bureau of Fire Protections at fire department ng ilang katabing bayan at naapula ang apoy dakong alas-4:45 ng umaga.

Wala namang iniulat na nasaktan sa sunog na tumagal ng halos 45 minuto.

Ayon sa City DSWD, 17 pamilya ang nawalan ng tahanan na binubuo ng 77 indibidwal kabilang ang 29 na mga bata at anim na sanggol.

Agad namang nagpadala ng food packs at financial assistance sa mga nasunugan ang San Pablo LGU.

Nagtayo na rin ng pansamantalang tirahan at mga tent sa covered court na tutuluyan ng mga biktima ng sunog.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa posibleng pinagsimulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.

Samantala, duda naman ang ilang residente na sinadyang sunugin ng hindi nakilalang suspek ang isang bahay sa lugar na ikinadamay ng iba pang kabahayan. (NILOU DEL CARMEN)

107

Related posts

Leave a Comment