HOLDAPER TIMBOG SA FOLLOW-UP

HINIHINALA ng mga awtoridad na nalansag na ang serye ng holdapan sa boundary ng Ermita at Quiapo, Manila makaraang mahulog sa batas ang isang umano’y holdaper sa isinagawang follow- up operation ng mga tauhan ng District Investigation Division (DID-2) ng Special Mayor’s Reaction Team, sa Quezon Bridge, Ermita, Manila noong Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Runky Franco y Ofarel, 18, jobless, ng Chica Street, Quiapo.

Base sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID- 2 (SMaRT) ng Manila Police District, bandang alas-6:30 ng gabi nang holdapin ng suspek ang isang dalaga sa tapat ng Metropolitan Theater sa A. Villegas Street malapit sa Quezon Bridge.

Bagama’t nanginginig sa takot ang biktimang 21-anyos, naglakas-loob itong  humingi ng tulong kay Major Samonte

Mabilis namang inutos ni Major Samonte kina Police Major Emmark Dave Apostol, deputy chief ; Police Major Joemar Macarram, at Police Captain Edgar Julian na magsagawa ng manhunt operation.

Agad nadakip ang suspek bandang alas- 6:50 ng gabi sa Quezon Bridge, Quiapo at nakumpiska ang .38 kalibreng baril na may dalawang bala at ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P9,500. (RENE CRISOSTOMO)

130

Related posts

Leave a Comment