HULING DEPENSA SA CHA-CHA BUMIGAY NA

(BERNARD TAGUINOD)

BUMIGAY na ang last defense ng mga anti-Charter change (Cha-cha).

Reaksyon ito ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel matapos pumayag ang Senado na talakayin ang Cha-cha partikular na ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

“Before, we were still hoping na ang Senado ay magsi-stick doon sa hindi pag-prioritize sa Charter change, pero dahil na rin sa naging pronouncements mismo ng Pangulo na pag-aralan ito, tingin natin bumigay ang Senado,” ani Manuel.

Hindi lingid sa lahat na ilang beses tinabla ng Senado ang Cha-cha na nagsisimula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Dahil dito, naging last defense ng mga anti-Cha-cha group ang Senado subalit kamakalawa ay inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang paghahain ng Resolution of Both Houses (RBH) No.6 para pag-aralan kung anong mga economic provision sa Konstitusyon ang aamyendahan.

Sa kabila nito, sinabi ni Manuel na patuloy nilang kokontrahin ang Cha-cha para maprotektahan ang interes ng mga Pilipino lalo na’t planong buksan ng isang daang porsyento sa mga dayuhan ang mga negosyo sa bansa.

Matamlay naman si administration Congressman Robert Ace Barbers sa RHB No.6 ng Senado dahil posibleng pagsasayang lang ito ng oras dahil hindi malinaw kung anong paraan isasagawa ang pag-amyenda sa Saligang Batas at paano boboto ang dalawang kapulungan.

“This is precisely the problem that the People’s Initiative intends to fix and clarify first. There is no other amendment mentioned in the PI. Once this is clear, only then can Congress proceed with further amendments,” ani Barbers.

Dahil dito, pabor si Barbers na ituloy ang PI dahil mas malinaw kung anong paraan isasagawa ang pag-amyenda sa Saligang Batas at papaano magbotohan sa bawat probisyon na aamyendahan.

Magbibitiw
si Zubiri

Kaugnay nito, kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na handa niyang itaya ang kanyang posisyon bilang lider ng Mataas na Kapulungan para sa isinusulong nilang economic Cha-cha.

Sinabi ni Zubiri na handa siyang mag-resign bilang Senate President kung may maisisingit na political provision sa kanilang pag-amyenda sa economic provisions ng konstitusyon.

Ginawa ng senador ang pahayag upang pawiin ang pangamba ng ilang mambabatas na posibleng magtangka na magsingit ng political provision kapag pinag-usapan na ang Cha-cha.

Iginiit ni Zubiri na halos lahat ng senador na kanyang nakakausap ay sang ayon na limitado lang sa economic provision ang pagbabago sa saligang batas.

Kaya wala anyang dapat ikatakot ang publiko sa economic chacha na isusulong ng senado sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.

Una nang nagpahayag ng pangamba ang ilang mambabatas na sa sandaling mabuksan ang pagtalakay sa Cha-cha ay hindi na maiiwasang galawin na rin ang political provisions ng saligang batas at maisingit na ang pagbabago sa term limits.

Comelec Dumipensa
sa Pirma sa PI

Ipinaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) na bahagi ng kanilang tungkulin na kolektahin ang lahat ng signature forms kaugnay sa panawagan ng grupo para sa Charter change sa pamamagitan ng People’s Initiative.

Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, kailangan lamang bilangin ang pirma tulad ng nilalaman ng signature pages.

Aniya, mahigit 300 bayan at munisipalidad sa buong bansa ang nakatanggap ng signature forms pero tiniyak nito sa publiko na wala pang pormal na petisyon na naihain para sa pagsusulong ng Cha-cha.

Binigyang-diin din ni Laudiangco na inaalis lang ng poll body ang anomang duplicates.

“‘Yung determination po kasi if they were able to hurdle the 3% minimum requirement for each legislative district and the 12% nationwide, it depends upon the proponent,” dagdag niya.

Pagkatapos ay ibibigay ang mga sertipiko na nagsasaad ng bilang ng mga botante na pumirma, sa mga tagapagtaguyod.

Paliwanag pa ni Laudiangco, magiging bahagi ito ng mga dokumentong isusumite sa clerk ng Comelec sa oras na matukoy ng partidong nag-eendorso sa petisyon na natugunan nito ang mga kinakailangan sa porsyento.

Binanggit din niya na kahit isang legislative district lamang ang bigong maabot ang 3% requirement, ang petisyon ay ibabasura kaya walang plebisito na itatakda.

(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA at JOCELYN DOMENDEN)

63

Related posts

Leave a Comment