WALANG Pilipino na nagngangalang “Mary Grace Piattos”.
Ito ang laman ng certification documents mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na may petsang November 25 na inisyu subalit noong Lunes, December 2, ng hapon lamang natanggap Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nilagdaan ni National Statistician and Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa ang nasabing sertipikasyon para sa tanggapan ni House committee on good government and public accountability chair Joel Chua.
Base sa nasabing dokumento, negatibo sa database ng “record of birth” ng PSA ang nasabing pangalan at maging sa ‘record of marriage’ at ‘record of death”.
Indikasyon ito na hindi ito ang pangalang Mary Grace Piattos na kabilang sa mga recipient ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
Unang ipinag-utos ni Chua sa PSA, National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na hanapin si Piattos dahil base sa record na hawak ng komite ay nakatanggap ito ng P25 million confidential funds sa OVP at maging sa DepEd.
Unang itinanggi ng Special Disbursing Officer (SDO) ng OVP na si Gina Acosta na hindi nito personal na kilala si Piattos dahil ang security officer ng kanilang tanggapan na si Col. Raymund Dante Lachica ang nagdi-disburse ng confidential funds dahil ito umano ang nakaaalam sa intelligence gathering.
Maging ang dating SDO ni Duterte sa DepEd na si Edward Fajarda ay umamin sa komite na hindi siya ang nagdi-disburse sa confidential funds ng kanilang tanggapan noong 2023 kundi ang kanilang security officer na si Col. Dennis Nolasco kaya walang ideya ito sa pagkakakilanlan ni Mary Grace Piattos.
Unang naglaan ng P1 milyon ang mga miyembro ng Young Guns sa Kamara bilang pabuya sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon hinggil kay Mary Grace Piattos.
Gayunpaman, mula nang ianunsyo ang pabuyang ito noong November 18, 2024 ay wala umanong lumapit sa komite para magbigay ng impormasyon kaya lalong naniniwala ang mga kongresista na hindi totoong tao si Mary Grace Piattos. (BERNARD TAGUINOD)
12