QUEZON – Isa ang patay habang 26 ang sugatan matapos bumulusok sa kanal ang isang pampasaherong jeep na nawalan ng preno sa national highway sa bayan ng San Francisco sa lalawigan, noong Martes ng hapon.
Ayon sa report ng San Francisco Police, nangyari ang insidente dakong alas-3:00 ng hapon, habang tinatahak ng jeep na minamaneho ni Brian Anonuevo Catapang, ang bulubunduking bahagi ng kalsada sa Sitio Centro, Brgy. Butanguiad.
Nawalan umano ng preno kaya bumulusok pababa ang jeep sa palusong na kalsada at nahulog sa kanal na nasa gilid ng daan.
Nagresulta ito sa pagkamatay ng isa sa 27 sakay ng jeep na kinilalang si Juanita Aguila Sarmiento, 81- anyos.
Kabilang naman sa mga nasugatan ang apat na batang babae at dalawang menor de edad na lalaki.
(NILOU DEL CARMEN)
303