200 ‘ISKO AT ISKA’ NI REP. NOGRALES NAGTAPOS SA TESDA

NASA 200 scholars ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang nagsipagtapos ng kani-kanilang kurso sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Malugod na binati at binigyang pugay ng mambabatas ang pangatlong batch ng 200 TESDA scholars na nakapagtapos ng pag-eensayo, pag-aaral, at pagsasanay sa larangan ng gawaing bread and pastries, serbisyong food and beverage, serbisyong shielded metal arc welding, electronic products assembly, at automotive.

Ginanap ang pagtatapos sa San Jose National High School noong nakaraang Disyembre 28, 2023.

Ayon kay Nograles, masaya siya na marami silang natutulungan hindi lamang sa kanyang nasasakupan sa ikaapat na distrito ng Montalban kundi maging sa buong lalawigan ng Rizal.

Umaasa umano siya na hindi lamang trabaho, kundi magkaroon ng sariling negosyo ang mamamayan sa buong bansa.

Pagtiyak pa ng mambabatas, makikipag-ugnayan siya sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang magkaroon ng trade fair o mga pagtitipon sa lalawigan upang maipakilala at maibenta ang mga produkto at serbisyo ng TESDA scholars.

Pinasalamatan naman ni Mr. Dante San Pedro, presidente ng Itech Technical Vocational Institute, Corp. na naging bahagi siya ng TESDA Scholars sa tulong ni Cong. Nograles.

Malaking tulong aniya sa mga taga-Rizal ang nagagawa ng scholarship program ni Cong. Nograles para magkaroon ng pagkakakitaan o negosyo ang mga nagsanay sa TESDA.

Kasabay nito, nagpasalamat din si Matthew Oliver Nieto, 30-anyos, residente ng Brgy. San Jose, Montalban kay Cong. Nograles dahil sa tulong nito ay napabilang siya sa 200 nagsipagtapos sa kursong Bread and Pastries na naging daan upang magkaroon siya ng trabaho. Sa ngayon ay pinapangarap naman niyang magkaroon ng sariling bakery.

Sa naturang okasyon ay hindi napigilang sumigaw sa tuwa ang mga nagsipagtapos dahil may bala na sila para sa panibagong yugto ng kanilang mga buhay.

Anila, dahil sa tulong ni Cong. Nograles at ng TESDA ay nagkaroon sila ng pag-asa sa pagpasok ng bagong taon.

(JOEL O. AMONGO)

306

Related posts

Leave a Comment