“ISANG halimbawa ng hindi kayang bilhin ng salapi ay ang tamang pag-uugali ng tao, at iyon ang wala si Jinggoy Estrada.”
Ito ang ibinigay na komento ng isang netizen matapos matunghayan sa social media ang palitan ng mensahe ni Estrada at kanyang kaklase sa high school sa Ateneo De Manila na binully ng mambabatas.
Ang iba pang komento sa Facebook at social media, sinabi ng mga ito na lumabas ang pagiging “siga” ni Jinggoy at ang kawalan nito ng kagandahang asal.
Nauna rito, nag-message sa kanilang batch sa high school si Jinggoy na humihingi ng pabor na iboto siya bilang senador bagaman lumalabas sa survey ng Pulse Asia na rank #11 siya.
Sinabi ng politiko na kapag nailuklok siyang muli ay gagawa siya ng batas na pakikinabangan ng nakararaming mamamayan.
Subalit sinagot si Jinggoy ng isa sa kanyang kaklase na hindi niya ito iboboto sapagkat hindi siya naniniwala sa mga walang katotohanang pangako nito.
Ayon sa kaklase ni Jinggoy, hindi naaayon sa turo ng Katoliko at Kristiyano ang mga asal na mayroon ang dating senador.
Naniniwala ang kaklase nito sa HS na sinsero at may kredibilidad ang sinuportahan niyang kandidato.
Dahil sa mensahe ng kaklaseng hayagang nagsabi na hindi siya susuporta, nag-message si Jinggoy at sinabing “bastos ka pala hayop ka.”
Sinabi pa ni Jinggoy sa kanyang mensahe sa kaklase na “Sana ginulpi na kita nung nasa HS pa tayo.”
Lamang, sinagot ang dating senador ng kanyang kaklase na hindi ito bababa sa level ng mambabatas dahil sumusunod siya sa mga turo at aral ng kanilang “alma mater”. (RENE CRISOSTOMO)
254