SA kabila ng patuloy na pagbaba ng bilang ng COVID-19 infections, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi pa siya handang bawiin ang paggamit ng face masks lalo na sa mga saradong public places.
“The numbers are very low compared to the population. Itong mask, maraming nagtatanong, alam mo I am not ready to order the removal of the mask,” ayon kay Pangulong Duterte sa Talk to the People, nitong Martes.
Ang katuwiran ng Pangulo, nananaig pa rin ang COVID-19 pandemic at maaaring manatili sa matagal na panahon sa gitna ng ulat ng bagong variants na natuklasan sa ibang bansa, na sa kalaunan ay posibleng makaaabot sa Pilipinas.
“Matagal pa ito [pandemic]. Reports say na may bagong COVID variant found in Israel. So whether we like it or not, kung totoo ‘yan, it will reach again the shores of our country,” ayon kay Pangulong Duterte.
Gayunman, nakiusap ito sa Kongreso na huwag munang galawin ang Bayanihan law. Sinabi ng Pangulo na nakalaan ito para tugunan ang “future COVID-19 surges.”
Naitala ang pagbaba ng 7-day average new cases ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nakapagtala ng 163 na 7-day average new cases mula March 14 hanggang 20, 2022.
Mas mababa ito kumpara sa 170 na 7-day average new cases mula March 7 hanggang 13. Bumaba rin ng -4 percent ang growth rate sa Metro Manila, habang 2.5 percent naman ang positivity rate sa nakalipas na isang linggo. (CHRISTIAN DALE/RENE CRISOSTOMO)
101