HIGIT pa sa dusang bunsod ng kabi-kabilang pagmamahal ng mga pangunahing bilihin ang nagbabadya sa bagong Public Service Act (Republic Act 11659) na nilagdaan ng Pangulo, ayon sa isang militanteng kongresista.
Babala ni House deputy minority leader Carlos Zarate, tuluyan nang binigyang laya ang mga dayuhang negosyanteng kontrolin ang industriya ng telecommunications, transportasyon, enerhiya, patubig at maging ang mga imprastraktura tulad ng mga expressways, railways at shipping nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11659 na nagbibigay daan para sa 100% ownership sa mga banyagang kapitalista.
Giit ng mambabatas, tinanggal ng nasabing batas ang natatanging mekanismong proteksyon ng mga Pilipino laban sa hindi makatwirang singil.
Pasok din aniya sa bagong batas ang isinukong kontrol ng pamahalaan sa mga dayuhang negosyanteng malaya na umanong makapagdidikta ng presyo sa mga serbisyong kalakip ng mga naturang negosyo.
Partikular na tinukoy ni Zarate ang pagtabas sa probisyong mahigpit na nagbabawal sa mga dayuhang kapitalista na ariin nang buo ang mga negosyong may kinalaman sa public utility services.
Hindi rin umano angkop na payagan ang mga banyagang negosyanteng pasukin ang public utility services nang wala man lang Filipino counterpart.
“Samakatwid, mahaharap ang mga konsyumer sa walang kontrol na pagtaas na presyo at bayarin kung buong-buo na itong kontrolado ng mga negosyo, at ng mga dayuhan,” ayon pa sa mambabatas.
Para kay Zarate, walang pinagkaiba ang nasabing batas sa Oil Deregulation Law at Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na kapwa binalangkas at isinabatas sa hangaring protektahan ang mga Filipino consumers. Taliwas naman sa inaasahan, lalong tumaas ang bayarin ng mga gumagamit ng langis at kuryente dahil sa nawalang probisyon – ang kontrol ng pamahalaan sa mga nasabing industriya.
Iba naman ang paniwala ni House committee on economic affairs chairperson Sharon Garin. Aniya, mananatiling protektado ang mga konsyumer sa batas na aniya’y naglalayong papasukin ang mas maraming dayuhang kapitalista para lumikha ng mas maraming trabaho.
“We need more foreign investments to produce more jobs if we are to recover faster from our losses during the pandemic. Government ayuda is never enough, and neither is it sustainable,” diin ni Garin. (BERNARD TAGUINOD)
111