‘MAGIC 12’ TARGET MAKUMPLETO NG POLPHIL

MISTULANG isang selection team ang paglalarawan sa koponang isinusulong ng grupong kinabibilangan ng mga batikang political operators para sa pagiging senador sa nalalapit na 2022 general elections.

Sa kalatas ng Political Officers League of the Philippines (POLPHIL) kasabay ng kanilang 3rd national assembly na ginanap sa Manila Hotel sa temang “We Stand as One,” anim pa lamang sa 174 na naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para senador ang nakikita nilang may integridad at kakayahang tugunan ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa isang mambabatas.

Kabilang sa kanilang tinaguriang selection team sina re-electionist Senator Risa Hontiveros ng AKBAYAN, dating Senador JV Ejercito ng Nationalist People’s Coalition (NPC), dating Quezon City Mayor Herbert Bautista ng NPC, dating Philippine National Police (PNP) director general Guillermo Eleazar ng Partido Reforma. Pasok din sa talaan ng POLPHIL sina dating kongresista Neri Colmenares at Atty. Chel Diokno na kapwa tumatakbo bilang independent candidates.

Paglilinaw ng POLPHIL, posible pang madagdagan ang kanilang susuportahang kandidato para senador lalo pa’t may mga susunod pa silang validation at deliberasyon sa hangarin kumpletuhin ang Magic 12 na inaakala nilang pasok sa pamantayan ng organisasyon.

Kabilang sa batayan ng POLPHIL ang pagsunod sa mga prinsipyong nakasaad sa Saligang Batas, ipinamalas na kakayahan, integridad, palabra de honor, adbokasiya at iba pa.

Bukod sa mga political operators, bahagi din ng POLPHIL ang mga kasalukuyan at dating mga punong kawani sa iba’t ibang antas at tanggapan ng pamahalaan, development workers, advocates at nation builders na pinagbuklod sa hangaring maging tagapagsulong ng pagbabago.

Sa isang pahayag, sinabi ni POLPHIL founding president Vice-Mayor Democrito Aljun Diamante ng Tuburan, Cebu — “Isinasaalang-alang pa namin ang iba pang senatorial candidates para mapabilang sa line-up para sa suporta ng POLPHIL.” (RENE CRISOSTOMO)

12

Related posts

Leave a Comment