NASA 1,971 kagawad ng Philippine National Police (PNP) ang inalis sa puwesto bago ang May 9, 2022 presidential and local election.
Inihayag kahapon ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, inilipat ng assignment ang kulang sa dalawang libong pulis dahil may mga kamag-anak silang tumatakbo sa eleksyon na saklaw ng kanilang mga AOR o area of responsibility.
Ito aniya ay para matiyak na magiging ‘nonpartisan” o walang kinikilingan ang mga pulis sa pagganap sa kanilang trabaho.
Bukod sa 1,971 na inalis sa puwesto ay mayroon ding 147 field commanders ang inilipat ng assignment.
Nilinaw naman ng PNP na ang mga nasabing opisyal ay walang kamag-anak na tumatakbo ngunit mahigit isang taon na sa kanilang unit kaya kailangang ilipat sa ibang assignment or unit base sa umiiral na alituntunin.
Kahapon ay muling nagpulong ang matataas na opisyal ng PNP bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, nagpatawag siya ng command conference upang magkaroon ng “assessment” sa security situation ng mga rehiyon.
Pangunahin dito ang pag-categorize sa mga bayan, lungsod o lalawigan base sa kanilang color coding scheme ng mga lugar na itinuturing na hot spots o areas of immediate concerns.
Pakay rin ng pagpupulong na plantsahin ang kanilang mga inilatag na security preparation at alamin kung sapat ba ang deployment ng kanilang mga security personnel. (JESSE KABEL)
117