DAHIL sa matinding takot, hindi na nagawa pang siputin ng tinatayang 500 guro ang kanilang pwesto bilang election inspector sa Cotabato City, batay sa ulat na natanggap ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, natuloy pa rin naman umano ang halalan makaraang ipalit sa pwesto ng mga lumibang guro ang mga nakatalagang PNP personnel sa nasabing lungsod.
Gayunpaman, tinutukan pa rin aniya ng husto ng Commission on Elections (Comelec) ang isinagawang botohan, kasabay ng pagtitiyak na may sapat na kasanayan ang mga pulis na sadyang inihanda sakaling magkaroon ng mga kahalintulad na aberya.
Ani Fajardo, nagsilbing special electoral board sa 175 clustered precincts sa 33 polling centers sa Cotabato City ang mga pulis na nakatalaga sa naturang lungsod – bagay na aniya’y bahagi ng contingency plan na magkatuwang na binalangkas ng Comelec, Department of Interior and Local Government at PNP.
Sa pagsisiyasat ng PNP, lumalabas na nakaranas ng panggigipit at pananakot ng ilang partisanong una nang iniulat na humarang sa pagdating ng mga vote-counting machines (VCM) sa local election office sa Cotabato City.
Pag-amin pa ni Fajardo, maging ang aktuwal na botohan sa Cotabato City, atrasado ng apat na oras, makaraang umeksena ang isang political party sa harap mismo ng local election office.
Sa isang pahayag, pinawi naman ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco ang agam-agam ng publiko. Aniya, awtomatikong idineploy ang 500 mga pulis para magsilbing special electoral boards. (JESSE KABEL)
120