Umuwi lang para bumoto 5 PATAY, 14 SUGATAN SA SUMALPOK NA VAN

HINDI na nagawang tumungo sa mga nakatalagang polling precincts ang lima kataong nasawi matapos sumalpok sa poste ang sinasakyang van sa bayan ng Ragay sa Camarines Sur.

Bukod sa limang namatay, 14 pang iba ang sugatan sa naturang aksidente, ayon kay Bicol-PNP chief information officer Major Malou Calubaquib.

Kinilala naman ang limang pumanaw na sina Ryan Desuasido, Jedro Polo, Gabby Duhapa, at dalawang hindi pa batid ang pagkakakilanlan.

Nagtamo naman ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang 14 na iba pa – kabilang ang dalawang menor de edad.

Ayon Major Ryan Remando, hepe ng Ragay Municipal Police Station, galing pa sa Balintawak, Quezon City ang mga biktima at uuwi sana sa Irosin, Sorsogon para bumoto.

Pagdating sa bahagi ng Andaya Highway, Barangay Port Junction Norte sa bayan ng Ragay, hindi inaasahang sumabog isang gulong sa kanang bahagi ng van, dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper hanggang sa tuluyan nang sumalpok sa poste ang minamanehong sasakyan.

Sa imbestigasyon, lumalabas na mabilis ang patakbo ng driver ng van na si Reyno Polo, base sa tinamong pinsala ng sumalpok na sasakyan. (JESSE KABEL)

98

Related posts

Leave a Comment