CAVITE – Nakasalalay sa salaysay ni Rev. Fr. Leoben Peregrino y Octavo, Parish Priest ng Most Holy Rosary Parish Church sa Rosario, Cavite ang pag-uumpisa sa imbestigasyon ng kanyang pagkawala noong Biyernes ng umaga hanggang sa natagpuan itong tulala at nakagapos ang leeg at mga kamay sa Brgy. Lumil sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Ayon kay P/Lt. Col. Ruther Saquilayan, hepe ng Rosario Police Station, pinakamatibay ang magiging salaysay ni Rev, Father Peregrino o kilala bilang “Father Phem”, 58, para masimulan ang imbestigasyon dahil siya lamang umano ang makapagbibigay linaw kung ano ang nangyari sa kanya.
Dagdag pa ni Saquilayan, sa kasalukuyan ay hindi pa makausap nang maayos si Father Phem dahil sa trauma kaya hihintayin pa nila ang advice ng doktor kung maaari na itong makausap.
Si Father Phem ay kasalukuyang ginagamot sa De La Salle University Hospital.
Ayon pa kay Saquilayan, habang hindi pa nakakausap ang pari ay nagsasagawa sila ng backtrack sa pinanggalingan ng biktima mula sa simbahan sa Rosario, Cavite at sa mga lugar na kanyang napuntahan kung saan huling nakita ito sa Robinsons Dasmariñas ng isang miyembro ng church choir.
Susundan din nila ang footage ng close circuit television (CCTV) na posibleng nahagip ang sasakyan ng pari mula sa Dasmariñas City, Cavite.
Si Father Phem ay tulala at hindi makausap makaraang matagpuan ng mga operatiba ng Rosario Police sa loob ng kanyang sasakyan na puting Mitsubishi Adventure na may plakang VES 47 habang nakagapos ang leeg at mga kamay dakong ala-1:30 noong Linggo ng hapon matapos na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito. (SIGFRED ADSUARA)
312