NANAKSAK NA AKYAT-BAHAY, SUGATAN SA KUYOG

CAVITE – Sugatan ang isang hinihinalang akyat-bahay nang kuyugin ng taumbayan makaraang saksakin ang isang 48-anyos na lalaki sa isang bahay na kanyang pinagtaguan matapos na looban ang isang bahay sa bayan ng General Mariano Alvarez sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Nilalapatan ng lunas sa Carsigma Hospital ang biktimang si Victor Seque y Reynales, ng Brgy. Maderan, GMA, Cavite dahil sa saksak sa kamay mula sa suspek na si Mark Centino, 32, ng Dasmariñas City, na isinugod din sa nasabing pagamutan matapos kuyugin ng taumbayan.

Ayon sa ulat, dakong alas-5:15 ng hapon nang kumatok ang suspek sa inuupahang apartment sa 2nd floor ng biktimang si Odessa Belmes y Jimeno, 40, sa Brgy. Maderan, GMA, Cavite.

Pagbukas ng pintuan ni Belmes, tinutukan siya ng baril at nagdeklara ng holdap at tinangay ang dalawang cellular phone at P2,000 cash saka tumakas sa direksyon ng Samaka Site.

Pagkaraan ay pumasok ang suspek sa bahay ni Seque at doon nagtago ngunit nang nakita ang huli ay sinaksak ito.

Muling tumakas ang suspek ngunit nasukol ng nagrespondeng mga concerned citizen na kumuyog sa kanya dahilan ng kanyang pagkaka-ospital. (SIGFRED ADSUARA)

180

Related posts

Leave a Comment