P2-M REWARD VS UTAK SA MAYOR SLAY-TRY

QUEZON – Naglaan ng P2 milyong pabuya si Quezon Governor Danilo Suarez para sa makapagbibigay ng impormasyon sa ikalulutas ng dalawang malaking kaso na magkasunod na nangyari sa bayan ng Infanta.

Sa official statement na inilahad ni Suarez sa mga mamamahayag, isang milyong pisong pabuya ang ilalaan nito para sa makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo kung sino ang utak sa tangkang pagpatay kay Infanta Mayor Filipina Grace America na pinagbabaril noong Pebrero 27 habang lulan ng kanyang sasakyang Chevrolet Trailblazer pagkalabas nito ng simbahan. Pitong bala ng kalibre .45 baril ang tumama sa alkalde subalit himalang nakaligtas ito.

Si America ay muling kumakandidato bilang alkalde sa kanyang ikatlong termino sa ilalim ng Nacionalista Party kalaban ang dalawa pang kandidato. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng NBI at isa ang pulitika sa tinitingnang anggulo sa krimen.

Samantala, isang milyong piso rin ang inilalaan ni Suarez sa makapagbibigay naman ng impormasyon kung sino ang utak ng tangkang pagpupuslit ng bilyong pisong halaga ng shabu sa naturan ding bayan.

Nangyari ang tangkang pagpupuslit noong Marso 15 habang nasa ospital pa ang alkalde.

Ngunit nasabat ng mga tauhan ng NBI Intelligence Service and Task Force on Anti-illegal Drugs ang naturang shabu shipment na ikinarga sa tatlong van na nahuli sa checkpoint sa Barangay Comon.

Sampung lalaki na pawang mga pasahero ng tatlong van, ang inaresto ng magkakasanib ng mga tropa ng NBI, pulis at militar.

Ayon pa sa gobernador, sa pinakahuling inventory ng mga awtoridad, umabot sa 2,547 kilos ang nakumpiskang shabu na may street value na P18 bilyon. (NILOU DEL CARMEN)

101

Related posts

Leave a Comment