CAVITE – Tatlong kababaihan na hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga ang binitbit ng Cavite Police makaraang makumpiskahan ng mahigit P6 milyong halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang arestadong mga suspek na sina Eman Bongcarawan y Mabandus, 29, isang lesbian; Norhanah Dirampatin y Didaagun, 28, dalaga; Nur-Laila Capatagan y Alonto, 20, dalaga, habang nakatakas ang kasama nilang si Noralyn Macalangan, pawang mga residente ng Pasong Camachile 1, City of Gen. Trias, Cavite
Ayon sa ulat, alas-10:30 ng gabi noong Miyerkoles nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib ng pwersa ng SOU 4A PNP DEG (lead unit) at Gen. Trias CPS sa Lot 179, Block 10, Trogon St., Westwood Phase 1, Lancaster, Pasong Camachile 1, City of Gen. Trias, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P6,800,000; P1,000 halaga ng buy-bust money, at isang cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (SIGFRED ADSUARA)
235