NAGBABALA ang Malakanyang sa publiko laban sa pagbili at pagbebenta ng boto dahil ito ay malinaw na election offenses.
Pinaalalahanan ni Acting deputy presidential spokesperson Kristian Ablan ang publiko na huwag masangkot sa bagay na ito lalo pa’t 45 araw na lamang bago ang halalan sa bansa.
“The Palace reminds the Filipino people that vote-buying and vote-selling are prohibited acts under the Omnibus Election Code so bawal po tumanggap at bawal din po bumili ng boto,” ayon kay Ablan.
“Anyone found guilty of these prohibited acts under the Omnibus Election Code face penalties of imprisonment and fine,” dagdag na pahayag nito.
Sa ilalim ng batas, ang sinumang mapatutunayang guilty sa anumang election offense ay dapat lamang na maparusahan at makulong ng “not less than one year but not more than six years.”
Hindi na rin ito papayagan na bumoto at pagbabawalan na makapasok o makapagtrabaho sa anumang public office.
Mayroon namang multa na ipapataw sa anumang political party na mapatutunayang “guilty.”
Kahit pa aniya walang pormal na reklamo, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na kaagad nitong aaktuhan ang insidente ng vote-buying.
Samantala, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ang poll body ay kikilos base sa report mula sa field personnel nito na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga insidente ng vote-buying. (CHRISTIAN DALE)
90