TINANGGAP ni Senador Manny Pacquiao ang nominasyon sa kanya ng paksyon nina Senador Koko Pimentel na Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang presidential candidate sa 2022 national elections.
Ito ay matapos siyang i-nominate ng iba’t ibang regional representatives ng partido sa isinagawang national assembly.
Isinagawa nina Pimentel ang kanilang national assembly dalawang linggo matapos ang anunsyo ng PDP-Laban wing nina Energy Secretary Alfonso Cusi kasama na sina Senador Bong Go at
President Rodrigo Duterte ang kanilang presidential at vice-presidential candidates.
Tinagurian din ng partido si Pacquiao bilang ‘Man of Destiny’.
Sa kanyang acceptance speech, binigyang-diin ni Pacquiao na wala pa siyang labang intrasan sa kanyang buhay.
“I am a fighter and I will always be a fighter inside and outside the ring,” pahayag ni Pacquiao.
“Sa buong buhay ko, wala akong laban na inaatrasan. dahil sa ngalan ng prinsipyo, karangalan ng bayan ay tumayo ako, nanindigan, at nakipaglaban,” dagdag pa ng Pambansang Kamao.
Binigyang-diin din nito na mula siya sa hirap kaya’t alam niya ang nararamdaman at pangangailangan ng mahihirap.
Binigyan naman ng kapangyarihan ng mga miyembro ng partido si Pacquiao na pumili ng kanyang magiging runningmate. (DANG SAMSON-GARCIA)
