PAGDINIG NG KAMARA SA ECO CHA-CHA ILEGAL

ITINUTURING ng mga militanteng mambabatas sa Kamara na ilegal ang pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Resolution of Both Houses (RBH) No.7 para amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution dahil hindi ito kasama sa tatlong paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas.

Sa press conference kahapon sa Kamara, sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na maaaring kuwestiyonin sa Korte Suprema ang pamamaraan ng Kamara.

Ipinaliwanag ng mambabatas na base sa Saligang Batas, maaaring amyendahan ang konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss), Constitutional Convention (ConCon) at People’s Initiative (PI).

“Papasok sa constitutional challenge ang ginagawa namin. Bakit? Tatlo lang ang pamamaraan baguhin ang konstitusyon. Yun po ang Constituent Assembly, yun po ay ConCon and people’s initiative. Now, saan dito ang ginagawa ng Kongreso sa ngayon?,” ani Brosas.

Kung ConAss man aniya ang ginagawa ng Kongreso ay sablay pa rin ang aksyon ng Kamara dahil kailangan ang joint meeting hindi tulad ngayon na hiwalay na nagsasagawa ng pagdinig ang dalawang kapulungan.

Tinutulan naman ni ACT party-list Rep. France Castro ang plano ng gobyerno na isabay ang plebisito sa Cha-cha sa 2025 election dahil ang Saligang Batas ay ‘bibliya’ ng mga Pilipino kaya sagrado.

Ayon sa mambabatas, pagbabalewala sa sagradong batas ng mga Pilipino ang planong ito ng gobyerno na isabay sa susunod na eleksyon ang plebisito para umano makatipid na sinang-ayunan naman ng Commission on Elections.

“Ano ba sila hilo? Napakahalagang bagay nitong Constitutional amendments, Hindi ito basta-basta isabay (sa midterm) election. Kailangan pa rin ang edukasyon sa ating mga kababayan at hindi pwedeng idadagdag mo lang sa balota para magtipid,” ani Castro.

“Hindi dapat madaliin dahil ito ay constitution. Eto ay basic law of the land,” paalala pa ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

58

Related posts

Leave a Comment