TINIYAK ni Senate committee on electoral reforms Chairperson Imee Marcos na tatapusin pa rin nila ang imbestigasyon sa kwestyonableng People’s Initiative.
Ito ay sa kabila ng alegasyon ng ilang kongresista na bahagi ito ng pag-atake laban sa kanila at paglabag sa inter parliamentary courtesy.
Sinabi ni Marcos na maging si Senate Minority Leader Koko Pimentel ay nagsabi sa kanya na dapat niyang tapusin ang pagsisiyasat bilang bahagi ng adbokasiya na malaman ang katotohanan sa sinasabing bayaran at suhulan sa pangangalap ng pirma.
Ipinaliwanag ng senadora na hinihintay na lamang nila sa pagsisiyasat ang pagharap ni Atty. Anthony Abad na siyang nakapirma sa papel para sa PI.
May komunikasyon na anya sa kanya si Abad at nagsabing maaari na siyang dumalo matapos ang Pebrero 8 kaya’t itatakda ng komite ang hearing sa February 13.
Kasabay nito, nanindigan si Marcos na ipinatutupad pa rin ng Senado ang tinatawag na inter parliamentary courtesy sa kabila ng iba’t ibang akusasyon sa kanila ng mga kongresista.
Ipinaalala ito ni Marcos kasunod ng pagpasa ng Kamara ng resolusyon ng pagsuporta kay House Speaker Martin Romualdez at pagbanggit sa anila’y intense attack ng Senado laban sa kanila.
Ipinaliwanag ng senador na dahil sa interparliamentary courtesy ay hindi nila ipinatawag sa pagdinig ng Senado sa pekeng People’s Initiative ang mga empleyado ng Kamara na direktang inuugnay sa pangangalap ng mga pirma.
Sinabi ni Marcos na minabuti niyang hindi na paharapin ang mga staff ng mga kongresista kahit hindi naman saklaw ang mga ito ng immunity tulad sa mga mambabatas.
Samantala, tinawag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na fake news ang pinalalabas ng mga nasa likod ng Charter change (Cha-cha) na gaganda ang buhay ng mga Pilipino bagkus ay kabaliktaran aniya ang mangyayari.
“President Marcos Jr. should abandon his ambition to change the Constitution. Palalalain lamang nito ang pang-ekonomiyang krisis na pasan-pasan ngayon ng mga mamamayan,” ayon sa mambabatas.
Ipinaliwanag nito na isa sa layon ng Cha-cha ay magkaroon ng 100 percent ownership sa basic services kaya kung papasukin ng mga dayuhang negosyante ang sektor ng enerhiya ay asahan aniya na lalong tataas ang presyo ng langis.
Noong Martes ay muling nagtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis sa ikalimang sunod na linggo subalit mas malala aniya ang mangyayari sakaling hawak na ng mga dayuhang negosyante ang nasabing industriya.
Sa ngayon ay tinatrabaho na ng Senado ang Resolution of Both Houses (RBH) No.6 o economic Cha-cha na kapalit ng People’s Initiative (PI).
(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
106