PAGPAPABURA SA TATTOO NG MGA PULIS IPINAGPALIBAN NG PNP

BUNSOD ng health and medical issue hinggil sa planong pagpapabura ng mga kagawad ng pulisya sa kanilang nakalantad na mga tattoo, nagpalabas ng moratorium ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nagpapaliban sa pagpapatupad ng polisiya sa pagtanggal ng kanilang mga tattoo.

Inatasan ni PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na mag-isyu ng moratorium na nagbibigay-daan para pag-aralan ang Memorandum Circular 2024-023, na nag-uutos sa mga uniformed at non-uniformed personnel ng pambansang pulisya na ipabura ang kanilang mga visible inked.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, gusto ni Gen. Marbil na rebisahin muna ang polisiya bago ang ganap na pagpapatupad nito dahil sa health at medical issues na maaaring idulot ng pagtatanggal ng mga tattoo na ginagamitan ng chemical o laser.

Bukod pa ito sa posibleng administrative sanctions na ipapataw sa mga pulis na hindi makatatalima sa inilabas na polisiya.

Nabatid pa na base sa nasabing memorandum, minamandato ang lahat ng mga pulis na may tattoo na magbigay ng written affidavit na nagdedeklarang natanggal na ang kanilang mga tattoo at hindi na rin maaaring magdagdag pa.

Samantala, nilinaw rin ng pambansang pulisya na hindi saklaw sa kautusan ang aesthetic tattoos gaya ng eyebrows, eyeliner o lip tattoo.

(JESSE KABEL RUIZ)

44

Related posts

Leave a Comment