PAHALIK SA NAZARENO BUBUKSAN MULI SA PUBLIKO

BUBUKSAN nang muli sa publiko ang “pahalik” sa Itim na Nazareno ng Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo, Manila.

Kasunod nito, umapela si Father Douglas Badong, parochial vicar ng Basilica, sa mga deboto na mahigpit na sundin ang safety protocols upang maiwasang mahawa ng COVID-19.

“Muling mahahawakan ang mismong imahen ng Poong Hesus Nazareno na nasa itaas ng altar ng simbahan ng Quiapo. Unti-unti nating ibabalik ang ‘pahalik’. Ipinapakiusap sa mga deboto na pumila nang maayos at sumunod sa mga safety protocol,” ayon kay Fr. Badong.

Nabatid na sa kabila na bubuksan na sa publiko ang “pahalik” sa Poon ng Itim na Nazareno, mahigpit na ipinatutupad sa loob at labas ng simbahan ang safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing ng mga deboto.

Magugunitang isinara sa publiko ang nakaugaliang pahalik sa imahe ng Poong Hesus Nazareno nang magsimula ang pandemya noong 2020 bilang hakbang na maiwasan ang nakahahawang virus.

Sa ginanap na Traslacion 2021 at 2022, sa halip na isagawa ang tradisyunal na pahalik ay ginawa ang ‘pagtanaw’ kung saan iniluklok ang replica image ng Poon sa harapan ng simbahan upang matanaw ng mga deboto.  (RENE CRISOSTOMO)

102

Related posts

Leave a Comment