(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TULOY ang raket ng tinaguriang ‘Pastillas Queen’ sa Bureau of Immigration (BI).
Ito ang impormasyon sa SAKSI Ngayon ng isang mapagkakatiwalaang source.
Matatandaang noong administrasyong Duterte ay kinasuhan ang ilang tauhan at opisyales ng BI matapos mabisto ang panunuhol umano ng isang babaeng Chinese national na tinaguriang ‘Pastillas Queen’ upang makapasok ang mga kababayan nito sa bansa.
Kabilang sa mga inimbestigahan at kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Lea Wo na nagmamay-ari ng Empire travel agency sa Binondo, Manila.
Nabunyag ang suhulan matapos ituro ng isang Immigration officer ang ilang opisyal na tumanggap umano ng ‘padulas’ mula kay Pastillas Queen.
Tinawag na pastillas ang perang ipinansusuhol sa mga tiwaling taga-BI dahil ang pera ay binibilot na akala mo ay wrapper ng nasabing delicacy.
Sinasabing nagsimula ang raket na ito sa airport gamit ang Visa Upon Arrival kung saan kumita ng milyon-milyon ang mga tiwaling opisyales dahil sa pakikipagsabwatan ng mga ito upang maluwag na makapasok ang libo-libong Chinese kada araw mula Mainland China.
Kasalukuyang dinidinig ang kaso laban sa mga sangkot sa Pastillas scam sa Sandiganbayan ngunit labis na ipinagtataka ng ilang empleyado ng BI ay kung bakit patuloy na rumaraket sa ahensya ang babaeng nasangkot sa naturang iskandalo imbes na ito ay nasa restricted status hangga’t hindi natatapos ang kanyang kaso.
Dahil dito, umaasa ang source ng SAKSI Ngayon na makararating kay Justice Secretary Boying Remulla ang mga reklamo laban kay Pastillas Queen upang ito ay maimbestigahan.
133