LIBRENG VIP LOUNGE PARA SA OFWs SA MANILA AIRPORT BUKAS NA

BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., binuksan na para sa overseas Filipino workers (OFW) ang isang 24/7 VIP (very important person) Lounge sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“Now, our OFWs have a place to call their own in our airports similar to premium lounges being enjoyed by privileged travelers,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Ito’y isa lamang sa mga OFWs VIP lounge na ating bubuksan sa mga international airport sa Metro Manila, Clark, Cebu, at Davao para sa ating mga kababayan na paalis at papunta na sa kani-kanilang trabaho abroad. Gusto nating suklian ang malasakit ng OFWs sa ating bansa. Sila ang modern-day heroes. Isang legacy ito ni Pangulong PBBM,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Sinuri nina Speaker Romualdez at OWWA Administrator Arnel Ignacio ang OFW lounge na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng Terminal 1 malapit sa pre-departure area noong gabi ng Sabado.

Magbubukas din ng OFW VIP lounge sa Terminal 3.

Ang pagbubukas ng OFW lounge ay isinulong ni Zamboanga Sibugay Rep. Walter Palma na naghain ng panukala para sa pagpapatayo nito.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang paggamit ng VIP lounge ay libre anomang uri ng tiket ang hawak ng mga OFW.

Ang lounge ay katulad ng mga espasyong itinatayo ng mga airline company para sa kanilang mga business-class at first-class na pasahero na nagbabayad ng mas malaki kumpara sa mga pasahero na nasa economy.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga OFW VIP lounge ay mayroong komportableng upuan, wi-fi, charging stations, at power outlets, at pagkain gaya ng lugaw, sandwiches, biskwit, itlog at mga katulad nito at inumin gaya ng tubig, kape, at juice.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga VIP lounge ay proyekto ng Kamara, Overseas Workers’ Welfare Administration, Department of Migrant Workers, at Manila International Airport Authority.

Ang lugar ay lalagyan din umano ng mga helpdesk para masagot ang tanong ng mga OFW.

“We also intend the lounges to be a place where our departing kababayan could build or foster camaraderie, and share experiences and maybe job prospects,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

52

Related posts

Leave a Comment