QUEZON – Natimbog ng mga awtoridad ang isang babaeng umano’y nagpapanggap na dentista sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Miyerkoles, Abril 27.
Ikinasa ang operasyon sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon katuwang ang Sariaya Municipal Police Station, 405th Regional Mobile Force Battalion at Philippine Dental Association (PDA) Quezon Chapter.
Ayon sa Sariaya Police, nakatanggap sila ng reklamo hinggil sa ‘illegal practice of dentistry’ ni Pacita Diano, 58-anyos, residente ng Dolores, Quezon.
Wala umanong maipakitang permit at lisensya ang suspek na katibayan na siya ay rehistradong dentista.
Inaresto rin ng mga awtoridad ang kasama nitong si Joel Baque, 45-anyos, dahil sa partisipasyon nito sa ilegal na gawain.
Natagpuan sa klinika ng mga ito ang iba’t ibang mga kagamitan sa pagbunot ng ngipin at paggawa ng pustiso.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Philippine Dental Act of 2007. (NILOU DEL CARMEN)
137