PABOR si Secretary Carlito Galvez ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU), sa panukalang ipagpaliban ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na nakatakdang isabay sa May 2025 midterm polls.
Kung higit umanong makabubuti ito para sa nakararami lalo na sa mga nasasaklaw ng Bangsamoro Autonomous Region base sa ginagawang pag-aaral.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Kapihan sa Manila Bay, inihayag ni Peace Adviser Sec. Carlito Galvez, umaasa siya na mare-reset ito sa madaling panahon kasabay ng kagustuhang maibalik ang Sulu sa rehiyon.
Nabatid na nasa dalawang kapulungan na ang bola kung ipagpapaliban pa sa susunod na taon ang BARMM election.
Una nang ipinasa ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa Kongreso ang pagdedesisyon sa usaping hinggil sa pagpapaliban ng nasabing parliamentary election.
Maging ang Commission on Election ay nag-aabang sa desisyon ng Kongreso. Ayon kay Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia, malaki ang masasayang na pondo ng gobyerno kung hindi isasabay ang BARMM parliamentary election sa nakatakdang May 2025 midterm elections.
Ayon kay Garcia, makatitipid ang gobyerno ng P3 billion kung isasabay na lamang sa 2025 midterm election ang botohan para sa BARMM, ang pahayag ng Komisyon ay tugon sa inihaing panukalang batas para ipagpaliban ang halalan sa rehiyon.
Gaya ng pahayag ni Sec. Galvez, nilinaw rin ni Garcia na nakahanda ang COMELEC na sumunod anomang oras na ipag-utos ang pagdaraos ng BARMM poll alinsunod sa batas o sa mapagtitibay ng Kongreso base sa inihaing mga panukala hinggil sa posibleng pagpapaliban ng botohan.
Pero habang wala pang pasya hinggil dito, sinabi ni Galvez na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kaukulang mga ahensya na naghahanda para sa nasabing halalan sa BARMM.
Matatandaan na pareho ngayong nakabinbin sa Kamara at Senado ang panukalang mga batas na magpapaliban sa kauna-unahang halalan sa BARMM. (JESSE KABEL RUIZ)
2