PUJ DRIVERS HUHULIHIN SIMULA PEBRERO 1

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI na papayagang bumiyahe ang mga tradisyunal na pampasaherong jeep simula Pebrero 1 ngayong taon kapag hindi pa rin nag-consolidate ang mga ito hanggang katapusan ng buwang kasalukuyan.

Ito ang kinumpirma mismo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz II sa pagdinig ng House committee on transportation ukol sa umano’y katiwalian sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

“Hindi na po sila makakabiyahe yung mga operators na hindi magconsolidate,” ani Guadiz na napilitang umamin matapos sitahin ni Antipolo Rep. Romeo Acop, chairman ng nasabing komite dahil mistulang umiiwas ito na sagutin ang tanong ni ACT party-list Rep. France Castro kung anong mangyayari sa mga traditional jeep na hindi mag-consolidate hanggang Enero 31, 2024.

Ayon kay Guadiz, sisimulan na umano ang proseso para tuluyang ipagbawal ang pagbiyahe ng mga traditional na pampasaherong jeep sa pamamagitan ng show cause order na ayon kay Castro ay pagsisimula ng paghuli sa mga makikipagsapalarang tsuper.

“Pag pumasada sa daan na walang prangkisa, yun (huhulihin) po ang mangyayari po,” ani Guadiz sa hiwalay na pagtatanong ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr.

“After January 31 ‘di na papayagan bumiyahe. Five hundred thousand (500,000) families yun ang papatayin nyo, yun ang magugutom,” ani Castro na ang tinutukoy ay bilang ng mga traditional jeep na hindi sumama sa consolidation ng prangkisa.

Subalit ayon kay Guadiz, 38,000 unit lang ng traditional jeep ang hindi pa nakapag-consolidate kaya ito lamang ang maaapektuhan kung sakali.

Dahil dito, sinabi ni Acop na lumalabas na walang pakialam ang transport officials sa mga driver na maaapektuhan gayung ang layon ng modernisasyon ay protektahan ang mga ito.

Sinabi naman ni 1Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita na siguradong aabot sa P40 ang minimum na pamasahe kapag tuluyang pinalitan ng mga modernong jeep ang mga traditional jeep.

Ayon kay Bosita, kung P1.8 million ang halaga ng modernong jeep ay P25,000 ang kanilang monthly amortization at upang makabayad ang mga tsuper o operators ay kailangang kumita ang mga ito ng P6,000 hanggang P7,000 araw-araw.

Kaugnay nito, naghain si Senadora Imee Marcos ng resolusyon para sa isang Senate inquiry kaugnay sa pagpapatupad ng PUV modernization program.

Sa Senate resolution 893 ng senadora, iginiit nitong kailangan ng tama at masusing assessment ng programa.

Ayon kay Marcos, hindi kakayanin ng bansa na magkaroon ng transportation crisis, lalo na’t bumabangon pa lang tayo mula sa epekto ng pandemya.

Ipinunto ng mambabatas ang ilang kritisismo at pangamba ng iba’t ibang transport groups sa PUV modernization program.

Kabilang na rito ang hinaing ng ilang traditional jeepney driver na nahihirapang makasunod sa consolidation requirements gaya ng mga dokumento, membership fees sa mga kooperatiba, pondo para sa stocks sa korporasyon at iba pa.

Kailangan anyang bigyang pansin ang nakakaalarmang bilang ng mga PUV na hindi nakasunod sa consolidation para hindi maapektuhan ang mga komyuter at ang public transportation sa Pilipinas.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

86

Related posts

Leave a Comment