CAVITE – Inireklamo sa Silang Police Station noong Lunes ng isang misis ang mister niyang kapwa niya pulis makaraan siyang saktan nang komprontahin niya sa pagkalulong sa online sabong.
Personal na inireklamo sa Silang Police Station ng biktimang si Corporal Rosemarie Cabaltera y Manarang, 34, miyembro ng Silang MPS, ang asawa niyang si Corporal Jake Cabaltera y Paredes, 31, nakatalaga sa Manila Police District (MPD), RPHAS, at kapwa residente ng Brgy. Narra 2, Silang, Cavite.
Sa salaysay ng ginang kay P/SSgt. Valerie Ursua-Frias ng Silang Police Station, kinompronta niya ang mister nang matuklasang patuloy pa ring nagsusugal sa pamamagitan ng online sabong, dakong ala-2:30 ng hapon noong Lunes.
Isinumbong din ng ginang sa ina ng kanyang asawa ang pagsusugal nito na agad namang kinompronta ang kanyang anak.
Bunsod ng galit ng suspek, binato nito ng wooden brush ang biktima at ng lahat ng bagay na kanyang nadampot habang karga ng ginang ang 2-anyos nilang anak.
Nagresulta ito sa mainitan nilang pagtatalo hanggang sa sabihin ng suspek na hindi makapapasok sa trabaho ang ginang at ikinandado ang pintuan ng kanilang bahay. (SIGFRED ADSUARA)
278