PUV MODERNIZATION ISA PANG ‘BUDOL’ NG BBM ADMIN

INIHALINTULAD ng isang mambabatas sa Kamara sa Maharlika Investment Fund (MIF) ang modernisasyon ng jeepney na sapilitang isinusubo sa mga tsuper at operator.

“Tulad ng Maharlika Investment Scam, isa na naman itong budol ng administrasyong Marcos Jr. para tiyakin ang kita ng mga kasosyo nitong dayuhang kapitalista na nakahandang itambak sa napakamahal na presyo ang kanilang mga “modern” jeep di umano,” ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.

Sa sandaling maisakatuparan ang Public Utility Vehicle Modernization Program, hindi na ang mga tradisyunal na pampasaherong jeep ang magiging ‘hari ng kalsada’ dahil aagawin na ng malalaking korporasyon ang titulong ito.

Pagsasalarawan ito ng mga militanteng mambabatas sa PUVMP na patuloy na isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) kahit alam ng mga ito na magiging dahilan ito para tuluyang mawalis sa lansangan ang mga luma at traditional na PUJ.

“Sinabi ni DOTr Secretary (Jaime) Bautista na non-negotiable ang franchise consolidation sa hanay ng traditional jeepneys. Ang totoong ibig sabihin nito, sapilitang pag-agaw ng prangkisa sa mga maliliit na operator pabor sa mga negosyante,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Binigyan lang ng palugit ang PUJ operators at drivers para i-consolidate sa isang kooperatiba ang kanilang prangkisa hanggang December 31, ngayong taon.

Ayon kay Brosas, kapag nag-consolidate ang mga tsuper at driver ay hindi na nila pag-aari ang kanilang prangkisa kundi ang malalaking korporasyon na siyang papalit sa kanila sa lansangan.

Dahil dito, umapela ang dalawang mambabatas sa gobyernong Marcos na tuluyang ibasura ang PUVMP dahil mangangahulugan anila ito ng pagkawala ng trabaho o hanapbuhay ng daan-daang libong PUJ drivers.

Bukod dito, naaapektuhan din umano ang mga commuter dahil inaasahan na magtataas ng pamasahe upang mabawi ng mga korporasyon ang P2 million puhunan ng mga ito sa bawat unit ng modernong jeep.

(BERNARD TAGUINOD)

370

Related posts

Leave a Comment