HINAMON ng Makabayan bloc ang mga tutol na pumasok ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas para mag-imbestiga sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na atasan ang Department of Justice (DOJ) na mag-imbestiga at magsampa ng kaso hindi lamang sa mga pulis kundi sa mga pasimuno nito.
Ginawa ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang hamon matapos palagan ng anak ni Duterte na si Vice President Sara Duterte ang dinidinig na resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para payagan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa war on drugs.
“Sa lahat ng tumututol sa pagpasok ng ICC, kung ayaw nila na ICC ang mag-imbestiga, ok ba sa kanila na gobyerno na ng Pilipinas, thru agencies like DOJ, ang mag-imbestiga ng kaso? Hinihimok ba nila ang DOJ na mag-imbestiga na rin sa war on drugs?,” tanong ni Manuel.
Ipinaliwanag ng mambabatas na hanggang ngayon ay wala pang naisasampang kaso laban sa dating Pangulo at maging sa mga kasabwat nito sa war on drugs tulad ni Sen. Ronald “Bato’ Dela Rosa sa lokal na korte sa bansa dahil ayaw mag-imbestiga ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Dahil dito, nagtungo sa ICC ang pamilya ng mga biktima para makamit ang katarungan subalit hinarang ito ng dating gobyerno at maging ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya naghain ng resolusyon ang Makabayan at maging sina House committee on human rights chairman Bienvenido Abante Jr. at Albay Rep. Edcel Lagman para hilingin sa gobyerno na payagan na ang ICC na pumasok at mag-imbestiga.
Gayunpaman, kinastigo ito ni VP Duterte at maging ang mga kaalyado ng mga ito dahil insulto umano ito sa sistema ng hustisya sa bansa, labag sa batas, bagay na kinontra ni ACT party-list Rep. France Castro.
“Matagal na ang hustisyang hinahanap ng more than 6,200 cases ng extrajudicial killings. Kung isasama ang mga vigilante killings, hindi kukulangin sa 30,000 ang biktima during drug war,” ani Castro at ipinaalala nito ang ruling aniya ng Supreme Court (SC) noong July 2020 na ang Pilipinas ay obligadong makipagtulungan sa ICC kahit nag-withdraw ang bansa sa Rome Statute.
Sinopla rin ng mambabatas si VP Duterte sa pakikialam sa trabaho ng Kongreso imbes na ipaliwanag kung saan nito ginamit ang P125 million confidential funds na naubos sa loob lamang ng araw noong December 2022.
(BERNARD TAGUINOD)
390