RECIPIENT NG CONFI FUND NG OVP-DEPED, MAGKAKAIBA PIRMA

ISA pang recipient ng Confidential Funds (CF), hindi lamang ng Office of the Vice President (OVP) kundi ng Department of Education (DepEd) na nagngangalang “Kokoy Villamin” ay iba-iba ang pirma sa acknowledgment receipts (ARs).

Ito ang natuklasan sa ika-6 na pagdinig ng House committee on good government and public accountability hinggil sa umano’y maling paggastos sa nasabing pondo ng OVP at DepEd na dating pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

Bukod kay Mary Grace Piattos, kabilang si “Kokoy Villamin” na taga Ozamiz umano sa recipient ng CFs at lumagda sa maraming ARs na isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA).

“Makikita po natin ‘yung medyo hindi ho kapani-paniwala. Ako, ordinary po ako na tao, I’m not an auditor, but as you can see it, pareho po ‘yung pangalan nila, Kokoy Villamin. Yung acknowledgment receipt from the [OVP] and at the same time, from the DepEd, the same person, Kokoy Villamin from Ozamiz,” ani Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Subalit ang nakakuha ng pansin ng mambabatas ay iba’t iba ang pirma ng “Kokoy Villamin” sa mga AR kung saan ginastos ng OVP at DepEd ang kanilang confidential funds mula 2022 hanggang 2023.

“Kasi kung isa po ‘yung auditor nito, I think malalaman po nila ito and they will be flagged, ‘no? Kung bakit magkaparehong pangalan and magkaiba ‘yung signatures. Exactly the same spelling, and exactly the same family name,” ani Adiong.

Dahil dito, kailangan aniyang alamin kung mga totoong tao ang lumagda sa 4,500 ARs na isinumite sa COA na kinabibilangan ng 2,670 mula sa OVP at 1,820 mula sa DepEd na kinabibilangan nina Mary Grace Piattos at “Kokoy Villamin”.

Nabatid naman kay Manila Rep. Joel Chua, chairman ng nasabing komite na hanggang kahapon ay wala pang nagbibigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos kahit may P1 million pabuya na ang inilaan para sa kanyang pagkakakilanlan.

“It’s very obvious, Mr. Chair, na hindi lang po si Mary Grace Piattos ang nakita po natin na questionable. Nakikita din po natin na may mga acknowledgment receipts, Mr. Chair, na pare-pareho ‘yung pangalan na magkakaiba ‘yung date na magkakaiba ‘yung kanilang pirma,” ayon pa kay Adiong. (BERNARD TAGUINOD)

13

Related posts

Leave a Comment