ASAHAN na ang pagiging hightech ng mga mag-aaral sa elementarya sa susunod na pagbubukas ng klase sa 2024 dahil na rin sa inilunsad na pilot program ng e-TURO sa lalawigan ng Romblon noong Abril 11, ngayong taon.
Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay Louie Ryan Rivera-Rafanan, CEO ng RYR Innovation, kalahati ng 82 lalawigan sa bansa, ang nakaaalam na sa e-TURO.
Binigyang-diin ni Rafanan na kailangan makasabay ang mga mag-aaral na Pinoy sa digital world para hindi mapag-iwanan ng ibang mga bansa sa pagiging hightech.
Sa ngayon aniya ay patuloy ang kanilang pakikipagkasundo sa Local Government Units (LGUs) o mga gobernador para sa pagpapatupad ng e-TURO sa kanilang lalawigan.
Mas ginusto niyang makipag-ugnayan sa chief executives ng mga lalawigan dahil sila ang direktang makikinabang sa nasabing makabagong teknolohiya.
Ang e-TURO ng RYR Innovation ay isang uri ng modern technology para sa elementary students na magagamit nila upang makapag-aral kahit saan, sa bahay man o sa ilalim ng puno.
Mapagaganda rin ng e-TURO ang karanasan ng mga mag-aaral sa loob ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng modular wireless gadgets na tugma para sa kanila at mga guro.
Ang e-TURO ay para matugunan ang “distance learning” o online classes hindi lamang sa pagbibigay ng isang web conference/online classroom feature, kundi karagdagan ding pangangailangan sa silid-aralan tulad ng sabay-sabay na screen sharing, digital multiple choice quiz, live math problem solving features at maraming iba pa.
Bilang nahaharap sa kakulangan ng supplies, ang e-TURO ay makatutulong din sa pagtugon sa kakulangan ng papel.
Isa rin itong teacher-friendly dahil mayroon itong student performance assessment tools na makatutulong sa faculty members na mas mabuti nilang matugunan ang pangangailangan sa pagkatuto at karanasan ng mga mag-aaral.
Mayroon nang mahigit 1,300 learning modules na nakahanda ang e-TURO para sa Math, Science, Reading, Language, Hekasi at Computer.
Bukod dito, mayroon din itong Al text-to-speech features para sa English, Bisaya at Tagalog para sa mga mag-aaral na may mga kapansanan.
Noong Abril 11 ay inilunsad ang Pilot Program ng e-TURO sa lalawigan ng Romblon.
Isinagawa ang “Presentation of Digital Learning Content” ng RYR Innovation sa Barangay Bachawan, San Agustin.
(JOEL O. AMONGO)
446