SASAKYAN NG LEYTE MAYOR PINAGBABARIL, DRIVER SUGATAN

LEYTE – Sugatan ang driver ng isang pick-up na umano ay pag-aari ng isang mayor, nang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa Brgy. Dapdap, sa bayan ng Alangalang sa lalawigan noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Anel Batiquin Reubal, 44, residente ng Barangay Linao, San Isidro.

Mapalad namang hindi tinamaan ang isa pang sakay ng sasakyan na si Arlo Emman Pauligue, 44, residente naman ng Barangay Daja Dako, San Isidro.

Ayon sa report ng Alanagalang PNP, patungo sa direksyon ng San Isidro ang sasakyang isang Toyota Hi-Lux pick-up nang mangyari ang insidente.

Nabatid mula sa sa Police Regional Office 8, ang mga suspek ay sakay ng isa ring pick-up na mabilis na tumakas papunta sa direksyon ng bayan ng Sta. Fe.

Napag-alaman na ang dalawang sakay ng sasakyan ay mga driver umano ni San Isidro, Leyte Mayor Remedio Veloso.

Ngunit hindi pa rin naglalabas ng kumpirmasyon at paglilinaw ang pulisya hinggil dito.

Agad dinala sa ospital ang sugatang driver habang patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.

Mas pinaigting naman ng pulisya sa Leyte ang paglalagay ng mga checkpoint matapos ang pamamaril.

Ang bayan ng San Isidro ay sakop ng 3rd district ng Leyte, habang ang bayan naman ng Alangalang kung saan nangyari ang insidente ay sakop naman ng pangalawang distrito ng lalawigan.

Matatandaang ilang mga insidente ng pagpatay ng mga opisyal ng barangay ang naitala sa ikatlong distrito ng Leyte nitong 1st quarter ng taon.

(NILOU DEL CARMEN)

223

Related posts

Leave a Comment