NAG-USAP sina United States National Security Advisor Jake Sullivan at National Security Advisor Eduardo M. Año ng Pilipinas, matapos ang umano’y sinadyang banggaan sa West Philippine Sea na kinasasangkutan ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia vessels nitong nakalipas na linggo.
Kasunod ito ng ginawang pagpapasalamat ng Department of National Defense sa iba’t ibang mga bansang nagpahayag ng pagsuporta sa Pilipinas matapos ang pinakahuling insidente ng pangha-harass ng China sa tropa ng militar ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay DND Spokesperson Director Arsenio Andolong, bunsod ito ng ginawang dangerous maneuver ng China na nagresulta para mabangga ang isang barko ng Philippine Coast guard at isang chartered boat ng Philippine Navy habang naglalayag patungong Ayungin Shoal na saklaw ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, para sa magsagawa ng rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Sa isang statement, sinabi ni DND Spokesperson, Dir. Arsenio Andolong, kinikilala nila ang gobyerno ng France, South Korea, at Japan na tumindig para sa Pilipinas laban sa ilegal at mapanganib na naging aksyon ng China sa WPS.
Ang naturang mga bansa ay iisa ng posisyon hinggil sa nangyaring insidente kung saan binigyang-diin ng mga ito na walang karapatan ang China sa West Philippine Sea, kasabay ng pagbibigay diin na ang mga aksyon na ginagawa nito ay nakakaapekto sa katatagan ng Indo-Pacific Region.
Una nang nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ang Estados Unidos, Australia, Canada, at iba pa.
Nabatid na kamakalawa ay tinawagan ni National Security Advisor Jake Sullivan si Philippine National Security Advisor Eduardo M. Año para muling ihayag ang U.S. support para sa Pilipinas kasunod ng dangerous and unlawful actions ng China na pagharang sa routine Philippine resupply sa Second Thomas Shoal (Ayungin Shoal).
Tinalakay ng security advisers ng Pilipinas at US sa telepono ang commitment ng Amerika na i-invoke ang Mutual Defense Treaty sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa PH assets sa pinagtatalunang karagatan.
Pinagtibay rin ng US at PH officials ang matatag na alyansa at pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa at pinag-usapan din ang nalalapit na US-PH engagements at mga hakbangin para palakasin pa ang close partnership ng magka-alyadong puwersa.
(JESSE KABEL RUIZ)
190