VAN, JEEP LUMIPAD SA BANGIN, 7 PATAY

patay

ANIM na estudyante ang namatay habang sugatan naman ang dalawa nilang kasamahan sa nangyaring aksidente sa Sitio Bunga, Catengan, Besao, Mountain Province kamakalawa ng hapon

Sa ulat ay kinilala ang mga namatay na sina Rhema Sumingwa, 18; Mherley Docyogen. 17; Hazel Solang, 19; Lendel Keith Alfonso, 19; Dalog Kawi Mangallay, 19; at Lip-aw Aligan, 21, habang ang mga sugatan ay kilalang sina Novielyn Sagantiyoc, 18, at Lander Maticyeg, 17, mga residente ng Patiacan, Quirino Ilocos Sur

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nahulog ang sinasakyan ng mga biktima na Green Tamaraw FX sa 100 metro ang lalim na bangin na nagresulta sa agarang pagkamatay ng anim. Naisalba pa ang dalawa at agad ding dinala sa pagamutan.

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkahulog ng sinasakyan ng mga biktima.

Samantala, pinaglalamayan naman sa ngayon ang isang punong barangay, ABC president at tumatakbong konsehal ng Datakan, Kapangan Benguet kasunod ng aksidenteng pagkahulog din ng sinasakyan nilang jeep sa Baguionas, Gaswiling, Kapangan Benguet.

Galing umano sa isang political rally si Jeffrey Batinay Marcelo, punong barangay ng Brgy. Datakan.

Ayon sa report, nagmula ang grupo ni Marcelo sa isang rally sa nasabing lugar nang biglang nawalan ng preno ang sinasakyan nilang jeep.

Napag-alaman pang madulas ang kalsada kaya hindi na makontrol ng driver ang manibela hanggang sa mahulog ang kanilang sinasakyan.

Isinugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival habang masuwerte namang nakaligtas ang lima pa nitong kasamahan.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng jeep at hindi pa tiyak kung kakasuhan ito. (JESSE KABEL)

188

Related posts

Leave a Comment