(NI MINA DIAZ)
ILANG kandidato sa Maynila ang umalma at kinuwestiyon sa mga sirang selyo o sticker seal ng mahigit 1,000 kahon ng balota na gagamitin sa national at local elections sa Lunes.
Nasa 1,502 ballot box ang dumating sa Manila City Hall, na ipamamahagi sa mga polling precinct sa lungsod, pasado alas- 12:00 ng madaling araw ng Linggo.
Sinabi ni Josephine Daza, officer-in-charge ng Manila City Treasurer’s Office, itinalaga ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang opisina para tanggapin ang mga ballot box bago ipamahagi ang mga ito.
Naglalaman aniya ang bawat kahon ng ballot ID, cluster precinct number, munisipalidad, lalawigan at rehiyon kung saan ito gagamitin.
Dahil dito, dumagsa ang reklamo sa kanila dahil karamihan sa mga sticker seal ng mga ballot box ay sira.
Aniya, punit din ang isa sa 12 plastic seal na may bar code at nakatali sa kandado ng mga truck.
Paliwanag naman ng kinatawan ng cargo delivery, nasira ang mga ito habang ibinibiyahe nila ang mga kahon.
Ayon kay Daza magsusumite sila ng ulat sa Comelec kaugnay sa nasabing mga reklamo.
Kasabay nito, hinikayat din niya ang mga kinatawan ng mga kandidato na gumawa ng kanilang ulat at ipaalam ang insidente sa komisyon.
296