MULING ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ang pagbabawal ng paggamit ng plastic bags sa pamimili sa mga establisiyemento sa buong siyudad.
Kasama ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Environmental Protection and Waste Management Department head na si Andrea Villaroman at ang personnel mula sa Market Development and Administration Department, sa pagtungo sa Galas, Muñoz, Suki, A. Bonifacio, Frisco at Kamuning markets sa lungsod para mamahagi ng bayongs at ecobags sa mga namimili.
Maging ang isang supermarket sa Barangay Kamuning ay binisita ng grupo.
Ang nasabing aktibidad ay nagsilbi bilang kick-off event na may kaugnayan sa re-implementation ng City’s Plastic Bag Ban Ordinance na nagsimula nitong Lunes, Marso 1, 2021.
Ang plastic bag ay ipinagbabawal bilang gamit ng mga namimili sa mga establisiyemento sa buong siyudad.
Ang aktibidad ay bahagi ng Quezon City’s celebration ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso na naka-highlight sa tungkulin ng mga kababaihan sa environmental protection.
Sa ilalim ng Kababaihan Para sa Kalikasan movement na may temang “Babae: Tayo ang Pagbabago,” ang kababaihan ay hinikayat na maging pro-active at katalista para sa pagbabago na magbibigay ng kanilang mahalagang tungkulin sa mga sambahayan at komunidad.
“We suspended the implementation of the ordinance during the pandemic para hindi po makadagdag sa uncertainty, but now we can manage the pandemic better so itinuloy na natin. Alam naman natin na plastics are one of the greatest polluters of our oceans and bodies of water, clogs our waste streams and pose health risks,” ani Belmonte.
Ang supermarkets, malls, shopping centers, fastfood restaurants at iba pang mga negosyo na lalabag sa ordinansang ito ay papatawan ng kaukulang multa na halagang P1,000 para sa unang paglabag, P3,000 at revocation ng environmental clearance para sa ikalawang paglabag at para sa ikatlong paglabag ay revocation ng business permit at multang P5,000. (JOEL O. AMONGO)
300 