BAND-AID LANG ALAM NG GOBYERNO NA SOLUSYON

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

BAND-AID lang ba talaga ang alam na solusyon ng gobyerno sa mga problemang pinagdadaanan ng sambayanang Pilipino tulad ng bigas na napakamahal kaya nagugutom ang 7.5 milyong pamilya sa ating bansa?

‘Yang bigas na ibinebenta sa Visayas region sa halagang P25 ay hindi magtatagal dahil P3.5 hanggang P4.5 bilyon lamang ang rice subsidy funds ngayong 2025, mas malaki pa ang inilaang pondo sa mga ayuda.

Sakaling magbenta ang gobyerno ng P20 bigas sa buong bansa gamit ang pondong ‘yan, isang linggo lang ubos na lalo na kung 20.1 milyong pamilyang Pilipino ang bibili, kaya band-aid solusyon at itinaon pa ang pagbebenta sa panahon ng halalan.

Noong mangako si Ferdinand Marcos Jr., noong 2022 presidential election na makabibili ng P20 kada kilo ng bigas ang mamamayan kapag siya ang nanalo, inaasahan ng mga tao na mangyayari ‘yan sa buong bansa.

Inaasahan din nila hindi lang isang linggo lang kundi sa buong termino ni Marcos Jr., mangyayari ‘yan dahil ang buong akala ng mga tao ay pauunlarin niya ang sektor ng agrikultura at bibigyan ng subsidy ang mga magsasaka para bumaba ang kanilang gastos sa pagtatanim.

Kaso nabudol ang buong bayan at tinipid pa ang rice subsidy kaya lalong lumabong makapagbenta ang gobyerno ng P20 kada kilo ng bigas sa buong bansa hanggang matapos ang kanyang termino.

‘Yung rice dealers, malabo pa sa sabaw ng pusit na magbebenta sila ng bigas sa halagang P20 dahil tiyak na malulugi sila dahil ang bili nila ng palay ay P14 hanggang P18 kada kilo at para makabuo ng isang kilong bigas ay dalawang kilo ng palay ang kailangan.

Kung hindi lang sana naipasa at naipatupad ang Rice Tariffication law, hanggang ngayon ay nakapagbebenta ang National Food Authority (NFA) ng P27 kada kilo ng bigas pero dahil dahil gahaman ang mga nagpanukala ng batas na ‘yan, lalong nagmahal ang bigas at nawala sa mga palengke ang NFA rice.

Siguro hindi alam ni Junior ang batas na ‘yan noong nangangampanya pa lamang sila at inakala siguro niya na may NFA rice pa rin sa mga palengke na nagkakahalaga lamang ng P27, kaya inisip niya siguro na pwedeng bawasan ng P7 para maging P20.

Eto kasi ang problema sa mga kandidato, ang tatapang nilang mangako kapag sila ang nangangampanya na hindi muna pinag-aaralan kung posible bang mangyari ang kanilang ipinangangako tuwing election.

Ang botante naman ay uto-uto at napakadali nilang maniwala kahit ilang beses na silang nabudol kaya malaki rin ang kasalanan ng mamamayan dahil sila ang nagluklok sa mga lider ng bansa. Sana matuto na tayo.

1

Related posts

Leave a Comment