INIIMBESTIGAHAN na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang banggaan ng kanilang tren nitong Sabado ng gabi na ikinasugat ng 34 katao.
Ayon kay LRTA board secretary at spokesperson Hernando Cabrera, binuo na ang isang fact finding committee upang malaman kung bakit gumalaw ang dead train sa pocket track.
Target din ng imbestigasyon ang dahilan ng pag-andar ng kinukumpuning tren kahit pa walang nag-ooperate at lahat ng sistema ay naka ‘off’.
Nangako naman si LRTA administrator Reynaldo Berroya na sasagutin ng ahensiya ang lahat ng gastos ng mga isinugod sa ospital
Binisita na rin ni Berroya at Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga biktima sa ospital para malaman ang kanilang kondisyon.
Limang sugatan na pasahero na lamang ang nananatili sa pagamutan hanggang nitong Linggo ng alas-6:00 ng umaga.
Sinabi ni Cabrera na maging ang operator ng tren ay sugatan din. Nasa ligtas na itong kondisyon at nasa custody ng LRTA. Nagtamo ito ng mga sugat sa mukha at gutay-gutay na pantaloon dahil tumalon umano ito mula sa tren bago pa mabangga habang sugatan din ang isang teller ng LRT2
Naganap ang kolisyon malapit sa LRT2 Anonas Station sa Quezon City.
Sinabi ni Cabrera na nasira ang isang tren ng alas-2 ng hapon nitong Sabado sa pagitan ng Cubao at Anonas stations. Iniligay ito sa emergency pocket track para ayusin.
Bandang 9:15 ng kagabi nang gumalaw ang kinukumpuning tren na nasa pocket track at inokupa ang riles na papuntang Santolan station, ayon pa sa report.
Sa puntong ito, isa pang train mula sa Cubao Station ay padating sa parehong riles. Huminto umano ang padating na tren nang marinig sa radio ang pag-andar ng ‘dead train’.
Nananatiling suspendito ang operasyon ng LRT2 dahil sa paglilinis na ginagawa.
Sinabi ni Cabrera na ilang bakal mula sa dalawang tren ang nagkalat sa riles.
Kapwa inilagay sa depot ang dalawang nagkabanggaang tren.
148