ISANG bangkay ng lalaki ang natagpuang nakalutang sa dagat na sakop ng Manila Bay sa Northwest sa Breakwater Entrance Channel MICT basin sa Barangay 20, Tondo, Manila noong Linggo ng umaga.
Ang biktimang hindi pa nakikilala ay nakasuot ng dark blue hoody jacket at gray jogging pants.
Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant Vandiel Niko Banson na isinumite kay Police Lieutenant Rheeth Nicdao, Duty Officer ng Delpan Police Station 12 ng Manila Police District, bandang alas-7:45 ng umaga nang mamataan ang bangkay ng isang lalaki habang hinahampas ng alon sa naturang lugar.
Agad naman itong ipinagbigay-alam ng isang sekyu sa mga awtoridad.
Pinaniniwalaang mula sa ibang lugar ang bangkay at inanod lamang ng malakas na alon doon.
Patuloy ang imbestigasyon ng MPD-Homicide Section sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)
