INIHARAP ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang tatlong suspek sa pagpatay at panghoholdap sa TNVS driver sa Parañaque City na kalaunan ay ibinaon sa Nueva Ecija. (DANNY BACOLOD)
NATUNTON ng mga ahente ng NBI-National Capital Region (NBI-NCR) at NBI-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD), kasama ang NBI Forensic Team, ang kinaroroonan ng bangkay ng nawawalang TNVS driver, sa Zaragoza-San Antonio Road sa Barangay Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija noong Hulyo 11, 2025.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang biktimang si Reymond Enriquez Cabrera.
Nauna rito, noong Mayo 19, 2025, nagtungo si Ma. Meya Biñas Cabrera sa tanggapan ng NBI-National Capital Region (NBI-NCR), na humingi ng tulong sa paghahanap sa kanyang asawang si Reymond, isang
Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver, na nawawala mula pa noong Mayo 18, 2025.
Ayon sa imbestigasyon, noong Mayo 18, nakatanggap ng booking ang biktima mula sa isang Emmanuel De Jesus na nagpapa-pickup sa isang hotel sa Parañaque City.
Kalaunan, tatlong lalaki na kinilalang sina John Kevin De Ocampo, Justine Dalafu at Jin Armin De Ocampo ang nakitang sakay rin ng sasakyan ng biktima.
Tumuloy ang sasakyan sa casino hotel sa nasabing lungsod at pagkaraan ay umalis patungong Cavite.
Nakita sa dashcam recording ang pag-uusap ng tatlong lalaki ngunit si Reymond ay sugatan na at duguan. Narinig din sa pag-uusap ng tatlong lalaki na tinatalakay kung saan itatapon ang katawan ng driver.
Kinahapunan, nakita ang sasakyan na dumaan sa Valenzuela City kung saan ito natagpuan ng mga ahente ng NBI-NCR noong Mayo 20, 2025.
Sa isinagawang forensic examination, may nakitang mga mantsa ng dugo sa loob ng nasabing sasakyan ngunit hindi natagpuan ang biktima.
Gayunman, inirekomenda ng NBI-NCR ang pagsasagawa ng
preliminary investigation para sa krimeng carnapping and robbery with homicide sa tatlong suspek gayundin kay Emmanuel de Jesus na siyang nag-book sa biktima, at isang John Doe, na nakita rin sa CCTV footage.
Noong Hulyo 10, 2025, tatlo sa mga suspek ang sumuko kay Manila Mayo Isko Moreno Domagoso na agad nakipag-ugnayan sa NBI.
Kasunod nito, ay nagboluntaryo sina John Kevin at Justin na ituro ang kinaroonan ng bangkay ng biktima na natagpuan sa gilid ng Zaragoza-San Antonio Road sa Barangay Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija.
(RENE CRISOSTOMO)
