Camp Gen Alejo S. Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Isang high-value Individual (HVI) na babae ang naaresto ng mga operatiba ng Bulacan PNP, sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 500.42 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P3,402,856.00 ang halaga, sa Brgy. Tikay, Malolos City, noong Hulyo 13, 2025.
Ayon sa report ni PLt. Col. Russel Dennis Reburiano, hepe ng Provincial Intelligence Unit Bulacan, bandang alas-12:20 ng madaling araw noong Hulyo 13, 2025 sa Brgy. Tikay, Malolos, Bulacan, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PDEU/PIU ng Bulacan PPO (lead unit) at Malolos CPS.
Nasamsam mula sa 27 taong gulang na suspek na ‘di pinangalanan, ang isang maliit na heat-sealed plastic sachet at isang malaking vacuum-sealed plastic sachet na parehong naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 500.42 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P3,402,856.00, at ang buy-bust money.
Ang naarestong suspek at ang nakumpiskang mga ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri.
Kasalukuyan namang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa suspek.
Ayon kay PCol. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga alinsunod sa direktiba ni PBGen. Rogelio Peñones Jr., Regional Director ng PRO3.
(ELOISA SILVERIO)
