NABIGO na naman ang Department of Justice (DOJ) na pasiputin si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong murder na inihain sa kanya kaugnay sa umano’y pagpaslang sa broadkaster na si Percy Lapid at inmate na si Jun Villamor.
Gayunman, dumating ang abogado nitong si Atty. Rocky Balisong na naghain ng isa pang ‘motion for reconsideration’ sa naunang ibinasura nilang petisyon na mag-inhibit sa kaso ang prosecution panel ng DOJ dahil sa kawalan umano ng hurisdiksyon.
Sa bago nilang katuwiran, may murder case din na inihain si Bantag laban naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Office of the Ombudsman na siya umanong tunay na mastermind sa naganap na patayan. Para sa kanila, ang Ombudsman umano ang may higit na hurisdiksyon sa kaso.
“So two (2) different masterminds are being charged? It will surely create a crisis between the two (2) agencies,” ayon kay Atty. Balisong.
Una nang inakusahan ni Bantag ng pagiging “biased” ang DOJ panel dahil sa mga naunang pahayag ni Remulla laban sa kanya.
Itinanggi naman ito ng panel at iginiit na hindi nakikialam si Remulla sa kanilang mga desisyon.
Muli namang iginiit ni Remulla na may hurisdiksyon ang DOJ sa naturang kaso habang sinabi ni Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na si Percy, na nagkatotoo ang hinala nila na maghahain na naman ng panibagong mosyon ang kampo ni Bantag at inaasahan ang marami pang mosyon.
Itinakda ng DOJ panel ang susunod na pagdinig sa Enero 31, para sa isa pang complainant, ang kapatid ni Villamor, at mapag-aralan ang mosyon ni Bantag at magdesisyon kung maghahain ng komento ukol dito. (RENE CRISOSTOMO)
