ITINULOY ng mga healthcare worker sa mga pribadong pagamutan ang bantang pagbibitiw sa kani-kanilang trabaho bunsod na rin ng anila’y kawalan ng malasakit ng gobyerno sa kanilang hanay.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Dr. Jose Rene de Grano na tumatayong pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) na tuluyan nang nilisan ng 10 porsyento ng mga nars ang mga pagamutang miyembro ng kanilang grupo, dalawang linggo na ang nakakaraan.
Pag-amin ni de Grano, malaking dagok sa kanila ang pagbibitiw ng kanilang mga nars na mas piniling mag-aplay sa ibang bansa kung saan higit na mataas ang sweldo. Aniya, ang kanilang manipis na hanay ay unti-unting napipilay.
Bunsod nito, malabo na rin aniyang palawigin pa ng mga private hospital ang kanilang COVID-19 capacity dahil sa malaking kakulangan ng medical workers na direktang kumakalinga sa mga pasyente – may Covid man o wala.
“Hindi tayo makapag-expand ng ating mga COVID beds kasi limited ang ating mga healthcare workers, especially nurses. Kung sabihin mong umalis ‘yung kalahati ng workforce natin, parang binabawasan mo na rin ng kalahati ang bed capacity ng mga hospital,” pahayag ni de Grano.
Gayunpaman, nanindigan ang Palasyo na walang dapat ikabahala ang publiko sa sabayang pagbibitiw ng healthcare workers dahil marami naman umanong reserbang pwedeng ipalit sa kanila.
Ani presidential spokesperson Harry Roque, maraming board passers at mga nagsipagtapos sa kursong nursing ang nakaantabay para humalili sa trabahong iniwan ng mga nagbitiw at piniling magtrabaho sa ibang bansa kung saan mas malaki ang kanilang sweldo.
“We believe that we have enough graduates and board passers to replace those who chose to work abroad,” saad ni Roque.
Bukod pa aniya roon, may polisiya ang gobyernong nagtatakda ng limitasyon sa bilang ng mga nars na pwedeng lumabas ng bansa para magtrabaho.
Sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City pa lang, 230 ang sabayang nag-resign, bagay na kinumpirma ng union ng nasabing pasilidad.
Ayon Roland Clumia, pangulo ng St. Luke’s Medical Center Employees Association, nakalulungkot isiping balewala sa gobyerno ang kapakanan ng mga healthcare worker na maliit na nga ang sahod – napagkakaitan pa ng benepisyo sa gitna ng panganib na kanila umanong sinusuong nitong huling 18 buwan ng pandemya.
“Hindi namin sila mapipigilan kahit anong kausap pa ang gawin namin sa kanila,” aniya, sabay giit na maging sila ay nakakaramdam ng matinding hinagpis sa gobyernong ni ayaw umanong ibigay ang kanilang meal at transportation allowance na nakasaad sa Bayanihan Law.
400
