BARANGAY AT SK ELECTIONS IPO-POSTPONE MULI

KARAGDAGANG dalawang taon sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ang isinusulong sa Kamara ng isang kongresista sa likod ng panukalang muling pagpapaliban ng halalang nakatakda dapat sa Disyembre ng susunod na taon.

Sa inihaing House Bill 10425, itinutulak ni Davao Oriental Rep. Joel Almario na gawin na lamang ang barangay elections sa Mayo 6, 2024, kasabay ng midterm national and local elections.

“The country cannot have all new leaders in 2022, from the President of the Republic down to the last Sangguniang Kabataan official, as doing so will add more pressure to the efficient delivery of governmental services,” paliwanag ni Almario.

Sa ilalim ng batas, mayroon lamang limang taon ang termino ng mga nakaupong opisyal ng barangay at maging sa SK. Sakaling aprubahan ng Kongreso at lagdaan ng Pangulo ang panukala ni Almario, nangangahulugang dagdag dalawang taon sa termino ng mga kapitan, mga kagawad at mga halal na lider kabataan sa lahat ng 42,000 barangay sa buong kapuluan.

Taong 2018 nang mahalal ang mga kasalukuyang opisyales ng mga barangay. Ang dapat sana’y sabayng halalan mula sa Pangulo hanggang sa barangay, inusog sa Disyembre 2022 batay na rin sa Republic Act 11462 na nilagdaan ng Pangulo.

“This bill, if enacted into law, will usher in ‘the energy of the newly elected national and local officials and the wisdom of the old barangay and Sangguniang Kabataan officials,” saad ng kalakip na paliwanag sa nasabing panukala.

Ayon pa kay Almario, hindi akmang pwersahin ang sabayang halalan sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya kung saan aniya malaking papel ang ginagampanan ng mga opisyales ng barangay.

“They are the foot soldiers of the executives. They are primarily responsible for disseminating relevant and vital information from the national government. They serve as the backbone and the first line of defense of local governance,” pahabol pa ng kongresista. (BERNARD TAGUINOD)

194

Related posts

Leave a Comment