PARA kay House prosecution panel adviser at spokesperson Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, pinagtibay ng testimonya ni dating Commission on Audit (COA) State Auditor Roderick Wamil ang kaso ng prosekusyon sa ilalim ng Article I ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, ipinakita ng testimonya ni Wamil na may mga iregularidad sa paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Binigyang-diin ni Barbers na bagama’t maaaring manatiling kumpidensiyal ang layunin ng confidential funds, ang paggamit, transaksyon, at liquidation ng mga ito ay dapat sumunod sa mga panuntunan ng Commission on Audit.
“Government-allotted confidential funds may be confidential as to their purpose, but their utilization, transactions and liquidation must still comply with COA rules,” ani Barbers.
Sa pagdinig, ipinaliwanag ni Wamil ang pagkakaiba ng confidential activities at ng mga binibiling gamit sa ilalim ng confidential funds.
“Ang confidential po mismo ay yung paggagamitan, hindi yung pagbibilhan. Magkaibang bagay po kasi iyon,” ani Wamil.
Ayon kay Barbers, lumitaw sa testimonya na may mga kakulangan sa mga dokumentong sumusuporta sa liquidation ng P612.5 milyong confidential funds, kabilang ang mga acknowledgement receipt at iba pang records.
Sinabi rin niya na malinaw sa testimonya ni Wamil na ang confidential funds ay maaari lamang gamitin sa mga layuning pinahihintulutan ng umiiral na mga patakaran at dapat suportado ng sapat na dokumentaryong ebidensya na isinusumite sa COA.
Tiniyak ni Barbers na magpapatuloy ang House prosecution panel sa paghahain ng mga dokumento at testimonya ng mga saksi upang patibayin ang kaso sa harap ng Senate Impeachment Court.
(TINA MENDOZA)
75 